Babae natagpuang patay sa isang condominium sa Quezon City

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 09:06 PM

MAYNILA - Natagpuang patay ang isang babae sa isang condominium sa Barangay Katipunan, Quezon City.

Pasado alas-10 Miyerkoles ng umaga, itinawag sa Quezon City Police District Station 2 na isang babae ang natagpuang patay sa isang condominium sa Barangay Katipunan, Quezon City.

Ayon sa spot report, habang nag-inspeksyon ang security guard sa area of responsibility nila nang nakita niya ang babae na nakakapit habang nakasabit sa grills ng balkonahe ng 29th floor.

Agad siyang umakyat ng hagdan para isalba ang babae pero nang nasa 22nd floor pa lang daw siya ay may narinig na siyang malakas na pagbagsak.

Nakita na lang niya at ng kanyang mga kasamang guwardiya na nakabulagta ang duguan at wala ng buhay na babae sa canopy ng gusali sa ika-anim na palapag.

Nasa 35 anyos ang babae at isang HR personnel. 

Ayon kay PSSgt. Bien Santos na tumangging humarap sa camera, tinawagan agad ng pamunuan ng condominium ang live-in partner ng babae para ipagbigay alam sa kanya ang insidente.

Dagdag pa ni Santos, sinabi raw ng live-in partner na dumaranas ng depresyon ang babae at may mga iniinom itong gamot.

Sinuri na ng taga-SOCO ang lugar at dinala na sa punerarya ang bangkay habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyari.

Hindi nagbigay ng komento ang pamunuan at security ng condominium dahil na-turn over na nila sa pulisya ang detalye ng insidente.

FROM THE ARCHIVES

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.