3 tiklo sa pagnanakaw ng e-bike sa Santa Ana, Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 06:35 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Huli ang tatlong lalaki sa checkpoint sa Santa Ana, sa lungsod na ito na nagtatangay ng nakaw na e-bike nitong Martes.

Nagbabantay kontra curfew violators ang mga opisyal ng Barangay 762 nang mapansin nila ang 2 lalaking nagtutulak ng e-bike. Naghinala ang mga taga-barangay, kaya sinita nila ang 2 na biglang tumakbo at sumakay sa isang tricycle.
 
Hinabol ng mga taga-barangay ang grupo hanggang makarating sila sa karatig-barangay kung saan inaresto ang mga suspek. Isang tindera ng gulay ang nagpakilalang may-ari ng ninakaw na e-bike.

Ayon kay Arlene Rosario, ipinarada lang sa harap ng kanilang bahay ang e-bike matapos mamili ng gulay sa Divisoria.

Nang madiskubreng nawawala ang e-bike, hindi na umano siya umasang maibabalik pa ito kaya labis ang panlulumo niya lalo’t 10 buwan na nilang hinuhulugan ang e-bike.

Nasa P75,000 rin ang halaga ng bike na gamit nila sa paghahanapbuhay.

Aminado naman ang mga suspek na nakainom sila at katuwaan lang daw ang pagkuha nila sa e-bike. Pare-pareho silang dayo sa lugar at mga residente ng Tondo.

Ayon kay barangay chairman Jeff Fabian, may mga insidente na ng pagnanakaw ng e-bike at baterya ng e-bike sa kanilang lugar kaya dapat itago ito nang maigi o ikadena ng mga residente. Napag-alamang tinidor lang ang ginamit ng mga kawatan para kalagan ang manibela.

Inaalam naman kung sangkot ang 3 sa mga ibang insidente ng pagnanakaw lalo’t may baterya pa ng e-bike ang nakuha sa tricycle na getaway vehicle ng grupo.

Desidido ang biktima na sampahan ng kasong pagnanakaw ang 3 suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.