PatrolPH

TINGNAN: Volunteers sa drug rehab center tulong-tulong sa paggawa ng PPEs

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 04:47 PM

TINGNAN: Volunteers sa drug rehab center tulong-tulong sa paggawa ng PPEs 1
Tulong-tulong ang mga volunteer sa paggawa ng makukulay na overall suit at face mask para sa mga frontliner. Retrato mula kay Arnold Abelardo

MAYNILA — Tumulong sa paggawa ng sari-saring personal protective equipment (PPE) para sa COVID-19 frontliners ang mga drug reformist, surrenderers, at iba pang volunteers sa isang rehabilitation center sa San Antonio, Nueva Ecija.

Ang mga volunteers ay mula sa Ako Ang Saklay Inc. Community Base Drug Rehab Center sa Nueva Ecija. Binubuo sila ng mga reformist, drug surrenderer, madre, pari, at mga dating OFW. 

Tulong-tulong ang mga volunteer sa paggawa ng makukulay na overall suit at face mask para sa mga frontliner. 

"Ito po ay bilang parte ng aming solidarity... Bayanihan na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay malalabanan natin ito," ani Fr. Arnold Abelardo, director ng rehab center.

Nakabuo na sila ng 200 overall suits at 6,000 face mask na ihahatid sa iba't ibang ospital sa lalawigan at maging sa mga pangunahing ospital sa Maynila na kinukulang ng PPE.

Nakatatanggap ang mga volunteer ng goods at allowance mula sa provincial government bilang tulong din sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.