RITM may 3,000 na kada araw testing capacity kontra COVID-19

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 10:24 PM | Updated as of Apr 14 2020 11:02 PM

MAYNILA - Papalapit na nang papalapit ang gobyerno sa tinatarget nitong testing capacity na hanggang 8,000 kada araw para sa COVID-19.

Sa virtual press briefing nitong Martes ng gabi ni COVID-19 national policy chief implementer Secretary Carlito Galvez, sinabi niyang mas dumami na ang pagsusuri na kayang gawin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kada araw. 

“Gusto ko ho ibalita sa inyo na ang RITM ay mayroon nang 3,000 tests per day. RITM is doing its best para mapabilis ang accreditation ng 15 [health facilities] para ito po ay tunay nang makapagtest ng ating mga kababayan,” sabi ni Sec. Galvez 

Asahan aniyang makakadagdag rin ang bibilhin pa ng gobyerno na rapid testing kits. 
 
“Sa aming pagpupulong sa Malacañang kagabi, inaprubahan na po ng ating Pangulo ang pagbili ng additional na 900,000 PCR testing kits at 2 milyong rapid testing kits. Ito ay para ma-extend ang services natin doon nangangailangan na matest agad,” paliwanag ni Galvez. 

Bukod rito, bibili rin ang gobyerno ng PCR machines, automated extraction machines, freezers at mga iba pang kinakailangan ng RITM at iba pang accredited testing laboratories.

Pagdating naman sa mga inihahandang quarantine facilities, inireport ni Galvez ang pag-turnover ng Ninoy Aquino Stadium sa lokal na pamahalaan ng Manila at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nagpasalamat naman siya kay AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos para sa paghahatid ng nasa 200 volunteers na medical personnel para tauhan ang Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Coliseum at World Trade Center, gayundin sa Philippine National Police (PNP) na siyang mangangasiwa naman sa Philippine International Convention Center (PICC).

“Tayo po ay kasalukuyang naghahanda sa pagbalik ng pitumpung libo (70,000) hanggang sandaang libong (100,000) na OFWs sa bansa. Sila po ay sasailalim sa 14 days mandatory quarantine procedure, para makasiguro po tayong wala po sa kanila ang imported carriers,” sabi ni Galvez. 

Kinilala rin ni Galvez ang embahada ng China para sa pagpapadala ng 12,000 personal protective equipment (PPE) sets para sa mga Filipino health care workers. 

Nanawagan naman muli ang kalihim sa lahat na sumunod sa national policy sa enhanced community quarantine. 

Ihinalimbawa niya ang mga siyudad ng Baguio, Valenzuela, Davao at maging Caraga Region na aniya’y umayos ang sitwasyon dahil sa pagsunod nila sa lockdown. 

Sa kabilang banda, ginawa rin niyang ehemplo ang ibang bansa na hindi sineryoso ang banta ng COVID-19. 

“Nakita natin na ang US at ang European countries na minamaliit ang epekto ng COVID-19 ay nagsa-suffer ng consequences. Sa Estados Unidos, halos araw-araw ay dalawang libo po ang namamatay at 23,649 na po ang total na patay,” paliwanag ni Galvez. 

“Inuulit ko po, huwag po tayong pasaway! Sumunod po tayo. Stay home. Observe social and physical distancing, wear masks, protect our elders. Ugaliin ang kalinisan at be self-aware sa ating kalusugan,” giit ng kalihim.