PatrolPH

Pasimuno ng boxing sa na-shutdown na Manila barangay timbog

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 01:02 PM | Updated as of Apr 14 2020 07:10 PM

Watch more on iWantTFC

Inaresto ang isang lalaki sa Maynila matapos pangunahan ang boxing event sa kanilang barangay, na naging dahilan para isailalim ni Mayor Isko Moreno ang lugar sa total shutdown, ayon sa pulis.

Ipinag-utos ni Moreno noong gabi ng Lunes ang total shutdown ng Barangay 20 sa Tondo district simula alas-8 ng gabi ngayong Martes hanggang alas-8 ng gabi sa Miyerkoles.

Kasunod ito ng pag-report sa mga awtoridad ng isang concerned citizen ukol sa boxing match sa Parola compound sa lugar, na nilahukan ng mga bata at nagdulot ng kumpulan ng mga tao.

Dinampot ng mga pulis ang pasimuno ng umano ay pa-boxing dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod at enhanced community quarantine, ayon kay Police Maj. Jhun Ibay Jr., hepe ng Special Mayor's Reaction Team ng Manila Police District.

Sa ilalim ng mga patakaran ng community quarantine, mahigpit na ipinag-uutos sa publiko ang pananatili sa bahay at ipinagbabawal din ang pagtitipon-tipon ng maraming tao para maiwasan ang hawahan ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Ibay, maaari rin daw kasuhan ng neglect of duty at paglabag sa Bayanihan Act ang chairperson ng barangay.

Bukod sa boxing, nakatanggap din ang lokal na pamahalaan ng retrato ng mga taong naglalaro ng bingo sa parehong barangay.

Dahil naka-total shutdown ang barangay, na epektibo bunsod ng Executive Order No. 19 na inilabas ni Moreno, bawal lumabas sa kanilang mga tahanan ang mga residente nang isang buong araw.

Habang epektibo ang shutdown, kanselado ang quarantine pass ng mga residente.

Nagbabala si Moreno na huhulihin ang mga mangangahas na lumabas ng kanilang mga bahay maliban kung health care worker, pulis, sundalo, miyembro ng Coast Guard at iba pang frontline service.

Mga pulis ang roronda at magbabantay sa entry points ng barangay. Humingi na rin umano ng tulong si Moreno sa mga sundalo para sa pagbabantay.

Sasamantalahin din ng Manila Health Office na magsagawa ng testing sa barangay ng mga hinihinalang may COVID-19.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.