PatrolPH

'Mobile botika' inilunsad sa Nagcarlan, Laguna

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 04:28 PM | Updated as of Apr 14 2020 06:50 PM

Watch more on iWantTFC

Naglunsad ng mga "mobile botika" ang lokal na pamahalaan ng Nagcarlan, Laguna para mabigyan ng libreng gamot ang mga mayroon sakit na residente.

Kabilang sa mga gamot na makukuha nang libre ay mga gamot sa diyabetes, hika, ubo, sipon, hypertension, at mga maintenance medicine.

Apat na "mobile botika" ang inilunsad ng tanggapan ni Vice Mayor Rexon Arevalo, na kayang mag-deliver ng gamot sa malalayong barangay o sa bukid.

Bukod sa libreng gamot, wala ring babayaran ang mga residente sa delivery.

Para sa mga may kailangan ng libreng gamot, kailangan lamang mag-message sa Facebook account ni Arevalo.

Mula sa donasyon ng pharmaceutical companies at Department of Health ang mga gamot.

Samantala, sa Barangay Balinacon sa Nagcarlan, nagtulungan naman ang mga residente para masalinan ng dugo ang kanilang kabarangay na nakaratay sa ospital.

Problemado noong una si Joy Monteagudo dahil walang makuhanan ng dugo para sa 59 anyos niyang ama na ilang araw nang nasa ospital.

Dahil hindi makapunta sa ospital ang mga gustong mag-donate bunsod ng lockdown, sa tulong ng lokal na Red Cross, ang mga taga-barangay ang kusang nagbigay ng dugo para madugtungan ang buhay ng ama ni Joy.

Sa katapusan ng Abril nakatakdang matapos ang enhanced community quarantine sa Luzon, na ipinatupad bilang hakbang laban sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.