Lalaking naistranded sa COVID-19 lockdown sa Iligan, nagtatago pala sa kasong rape

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 08:38 AM

ILIGAN CITY - Nadiskubre ng mga awtoridad na wanted dahil sa kasong rape ang isang lalaking tinulungan nila nitong Lunes matapos maistranded sa lockdown ng lungsod na ito na layong pigilin ang pagkalat ng COVID-19. 

Kusang lumapit ang suspek na si Ariel Mansalay sa mga pulis na rumuronda para ipatupad ang curfew. 

Kwento niya, taga-Cebu siya at nagtatrabaho bilang construction worker sa Marawi City. Na-stranded umano siya sa Iligan dahil nanakaw ang kaniyang pamasahe pauwi. Napilitan umano siyang magpalaboy sa isang overpass habang hinihintay na matapos ang quarantine. 

Tinulungan siya ng mga pulis pero nadiskubre nilang may warrant of arrest pala sa kasong panggagahasa sa Carcar, Cebu ang lalaki. 

Nahatulan na rin ito noong 2002 dahil sa kasong illegal possession of firearms. 

Itinanggi ni Mansalay ang panggagahasa. Gayunman, ikinulong siya habang inaasikaso ng mga awtoridad ang kaniyang pagharap sa korteng naglabas ng kaniyang arrest warrant.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.