PatrolPH

'Ilegal': Mobile palengke ng mga Estrada sa San Juan, inalmahan ni Zamora

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 09:02 AM

Ilegal ang inilunsad na mobile palengke ni dating vice mayor Janella Estrada sa San Juan, ayon kay Mayor Francis Zamora nitong Lunes.

"Unang-una walang permit, that is illegal. Kahit anong gusto mong itulong, kung ito ay ilegal, kawawa naman 'yung mga sumusunod sa batas," ani Zamora.

"Kung gusto talaga nilang tumulong, mag-apply sila ng permit sa city government."

Depensa ni dating senador Jinggoy Estrada, ama ni Janella, una na umano silang lumapit sa Agora subalit pinagbawalan naman umano ang mga manininda na sumali sa kanilang mobile palengke.

Dahil dito, kumuha sila ng supplier sa ibang lungsod.

Gamit ang sariling pera at mula sa ilang donor, nagbenta sila ng karne at gulay na kalahati ang presyo kumpara sa palengke, at may libreng isang kilong bigas sa bawat bibili.

"Kung ilegal 'yung rolling store ni Janella edi sana pinahuli niya. Ilegal na bang tumulong ngayon?" ani Jinggoy.

"Ako tumutulong ako in our own little way. Sana huwag niyang masamain. At huwag niyang haluan ng pulitika dahil kawawa ang ating kababayan."

Matatandaang natalo ni Zamora sa pagka-alkalde sa lungsod si Janella nitong 2019.

Ayon sa mga maninindang nagprotesta, nilalabanan umano sila ng mobile palengke dahil 50 percent off o kalahati ang bagsak ng presyo ng paninda rito.

Lumagda sila sa manipesto at sumulat sa business permits and licensing office ng San Juan para ipatigil ang mobile palengke.

Itinigil na ng mga Estrada ang kanilang proyekto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.