PatrolPH

Health workers na may kontrata abroad puwede nang umalis ng Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 01:18 PM

Puwede na ulit makaalis ng bansa ang mga Filipino health care workers na may kontrata para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Kailangan lamang lumagda ng mga aalis na health care worker ng declaration na nagsasaad na batid nila ang mga panganib ng pagbiyahe sa ibang bansa, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease.

"Papayagan na po silang umalis. Kailangan lang po nilang pumirma ng deklarasyon na batid nila ang mga panganib sa paglipad papunta sa ibang bansa," ani Nograles.

Inireklamo kasi ang pagsuspende ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pag-deploy sa ibang bansa ng mga health worker gaya ng mga doktor at nurse sa gitna ng krisis sa coronavirus disease (COVID-19).

Magugunitang sinuspende ng POEA ang pagpapadala ng lahat ng health care workers hanggang sa alisin ang national state of emergency bunsod ng COVID-19 o hanggang alisin ng ibang mga bansa ang kanilang mga travel restriction.

"Nililinaw po natin na di po kasama dito ang mga doktor, nars, at iba pang medical health professional na may mga kontrata na po para magtrabaho sa ibang bansa," sabi ni Nograles.

Sa isang talumpati noong gabi ng Lunes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya masisi ang health workers na gustong magtrabaho sa ibang bansa.

"Wala kaming pambigay na sinlaki so ang mga nurse natin... naintindihan ko 'yan eh, self-preservation 'yan. So kailangan magtrabaho sila," ani Duterte.

-- Ulat nina Pia Gutierrez at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.