85 dayuhan na na-stranded sa Misamis Oriental, pauwi na

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2020 10:19 PM | Updated as of Apr 14 2020 10:58 PM

Nakapila na pauwi ang mga banyagang na-stranded sa Misamis Oriental nang magpatupad ng lockdown sa Luzon nitong Marso. Kuha ni John Baclig

LAGUINDINGAN, Misamis Oriental - Nasa 85 dayuhan ang nakasakay sa sweeper flight ng Philippine Airlines sa Laguindingan Airport, Misamis Oriental Martes ng umaga.

Karamihan sa kanila ay Canadian pero may iilan ring mga British, American, Saudi, at Malaysian.

Na-stranded sila sa iba't ibang lugar sa Region 10 matapos ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.

"Of course general guidelines ng IATF na meron silang health certificate na fit to travel signed by municipal or city health official. Dapat din na meron silang onward flight dahil hindi sila pwede mag stay sa Manila," ani Director Marie Elaine Unchuan ng Department of Transportation-Region 10.

Ito na ang pangatlong sweeper flight mula sa probinsya na pinayagan ni Misamis Oriental Gov. Yevgeny Emano sa kondisyong sumunod ito sa protocol.

"Importante lang ang aircraft walang dalang pasahero papunta rito. Hindi rin pwede lumabas ang crew or the pilot outside sa premises sa airport," ani Atty. Jeffrey Saclot, tourism officer ng probinsiya.

Samantala, nasa 167 na local tourist naman ang stranded pa rin ngayon sa isla ng Siargao.

Binigyan na sila ng P2,000 na cash assistance ng DOT-Region 13.

Pinag-aaralan pa kung papaano sila mapapauwi sa kani-kanilang probinsya.