Suspek sa pamamaril ng dalagita sa Maynila, patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2019 09:12 AM | Updated as of Apr 14 2019 06:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Napatay sa engkuwentro laban sa mga pulis, Linggo, ang suspek sa pamamaril sa isang 17-anyos na dalagitang biktima umano ng mistaken identity. 

Ayon sa pulisya, nakuhanan ng CCTV ang suspek na si Jed Ayson nang barilin ang biktimang si Ronalyn Jamon sa isang kainan sa Tondo, Maynila noong Abril 7. 

Napagkamalan anila ni Ayson si Jamon bilang drug customer na hindi nakapagbayad. 

Natuntuon ng mga awtoridad ang suspek ngayong Linggo sa Building 18 ng permanent housing sa Balut, Tondo. 
 
Nakabili ang mga awtoridad ng droga kay Ayson, pero nang tangkang huhulihin na ay nagpaputok umano ito ng baril, dahilan para gumanti ang mga operatiba, sabi ni Lt. Col Reynaldo Magdaluyo, hepe ng Raxabago police station. 

"Nang tinatangka natin siyang hulihin, pinaputukan ang ating SWAT. Na-hold kami ng ilang minuto dahil lumaban talaga. Buti na lang may SWAT na sumalba," kuwento ng opisyal. 

Dagdag ni Magdaluyo, natunton nila si Ayson nang ituro siya ng isang lalaki na nakunan ng CCTV sa katabing barangay na naglalakad kasama niya bago siya sumakay ng tricycle papunta sa lugar kung saan binaril ang dalagita. 

Sabado ng hapon naaresto ang kasamahan ng suspek na si alyas Ben. Inamin nitong nakilala niya sa kulungan si Ayson, gumamit sila ng shabu noong gabi ng pamamaslang at nakita niya ang baril na dala ng suspek.

Nakuha sa bangkay ng suspek ang nasa 10 sachet ng hinihinalang shabu. 

Nauna nang naaresto ng pulis ang isa pang suspek na si alyas Alfie na itinurong kausap din ni Ayson noong gabi ng pamamaril. 
 
Pinaghahanap naman ng pulisya ang driver ng tricycle na sinakyan ni Ayson, at ang isa pang naging spotter ng suspek nang barilin niya si Jamon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.