Isa pang lider ng Maute, kumpirmadong patay na: militar

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2019 08:11 PM

MAYNILA — Kumpirmadong patay na ang isa sa mga itinuturong utak ng sigalot sa Marawi noong 2017 at pinuno ng Maute na si Owaydah Marohombsar alyas Abu Dar, ayon sa militar nitong Linggo.

Kinumpirma ng Philippine Army na si Abu Dar nga ang isa sa mga napatay sa engkuwentro sa pagitan ng 49th Infantry Battalion at mga terorista sa Tubaran, Lanao Del Sur noong Marso 14.

Sinabi ni 103rd Infantry "Haribon" Brigade commander Col. Romeo Brawner Jr. na pina-DNA test nila ang noo'y hindi pa tukoy na bangkay at nito lang ay nakumpirma ngang kay Abu Dar ito.

Una nang pinaghinalaan ng impormante na si Abu Dar na nga ang napatay sa engkuwentro noong Marso.

Si Abu Dar ang sinasabing successor ni Isnilon Hapilon na emir ng ISIS sa Southeast Asia, na napatay na rin sa Marawi.

Si Abu Dar din ang umano'y nasa likod ng pambobomba sa Limketkai Commercial Area sa Cagayan de Oro noong 2016

Ayon kay Brawner, umaasa silang tuluyan nang mawawala ang Maute-ISIS sa Lanao Del Sur sa pagkamatay ni Abu Dar.

"We thank our US counterparts and the citizens of Lanao Del Sur for helping us neutralize the last remaining leader of the Maute-ISIS Group in the person of Abu Dar. We will not rest until we neutralize all the other remnants of this terrorist group," ayon kay Brawner.

Sabi naman ni Brig. Gen. Roberto Ancan, commander ng 1st Infantry "Tabak" Division, malaking tagumpay ito tungo sa kapayapaan sa Lanao del Sur.

"The neutralization of Abu Dar is a significant accomplishment of the government and the people of Lanao del Sur who worked together to rid their beloved province of terrorists. Meanwhile, we will continue our operations so that the sacrifices of our fallen comrades in pursuit of peace will not go to waste," ani Ancan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.