Babae patay sa pananaksak ng kinakasama sa Naga City

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2019 11:51 AM

NAGA CITY – Napatay ang isang babae sa lungsod na ito matapos umanong saksakin ng kaniyang kinakasama, ayon sa pulisya.

May saksak sa leeg, duguan at wala nang buhay nang matagpuan ng mga awtoridad noong hapon ng Sabado ang 45 anyos na biktima sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Cararayan.

Dumulog sa Naga City Police Office ang 15 anyos na anak ng biktima matapos masaksihan ang pananakit ng suspek sa kaniyang ina.

Bukod doon, sinaktan din at ginahasa umano ng suspek ang dalagita.

"Noong narinig na may komosyon, sumilip siya sa kuwarto. 'Yon pala pinag-uumpog na 'yong nanay niya sa pader," ani Police Major Joey Corre, commander ng Naga City Police Office Station 4.

Dati nang may kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang suspek matapos tangayin ang menor de edad na pamangkin ng biktima, ayon sa pulisya.

Nakalaya ang suspek matapos piyansahan ng biktima, ayon sa pulisya.

Sa follow-up operation, narekober ng mga pulis ang motorsiklong ginamit ng suspek sa pagtakas.

Selos at matinding away ang nakikitang motibo sa pagpatay sa biktima.

May-ari ng tindahan ng motorcycle parts ang biktima, na siya ring employer ng suspek.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek.

-- Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.