'Tulak' na nagtangkang tumakas, binaril ng pulis sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 03:30 AM

ZAMBOANGA CITY - Sugatan ang isang hinihinalang tulak matapos barilin ng pulis sa Barangay Camino Nuevo nitong siyudad Biyernes ng hapon.

Nagtamo ang suspek ng tama ng baril sa kaliwang paa.

Ayon sa pulisya, 2 beses nagtangkang tumakas ang suspek matapos itong maaresto sa ikinasang buy-bust operation.

Habang nakaposas, pinagsisipa pa umano ng suspek ang ilang asset ng mga pulis.

Sa pangalawang pagkakataon na nagtangka siyang tumakas, binaril na siya.

Nasabat sa suspek ang 4 na sachet ng umano'y shabu at P200 buy-bust money.

Pinabulaanan naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya. Gumagamit lang daw siya ng droga, giit niya.

Agad namang dinala ng mga otoridad ang suspek sa pagamutan.

Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.