SOCO: Konsehal, sinakal, sinaksak sa sariling sasakyan ng online seller

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 04:30 PM

 

Kilala ng pamilya at mga kaibigan na mahilig sa social media ang 60-taong gulang na public servant na si Mienrado Ynzon.

"Mahilig din po siya mag-cellphone. Kasi may mga account po kami, tina-tag po namin siya. Doon po niya nakikita, napansin niya, 'Ay, kailangan ko din pa lang mag-social media' [kasi] natutuwa po siya, nakikita niya mga kaibigan niya," kuwento ni alyas "Anna," anak ni Mienrado.

Dahil sa interes sa internet, napag-isipan ni Mienrado na bumili ng bagong cellphone. Para makamura, naghanap si Mienrado ng cellphone sa isang buy and sell website.

Bagaman nakakuha ng malaking diskuwentro sa isang online seller, napansin ng kaniyang mga anak na peke ang nabiling cellphone.

“After a week, may hawak siyang phone. Pinakita niya sa amin,” ayon naman kay alyas "Ramon," isa pang anak ni Mienrado.

Nakipagkitang muli si Mienrado sa online seller para ibalik ang pekeng cellphone, pero imbes na palitan ito, nagawa pa siyang nakawan ng naturang katransaksiyon.

"Tinext niya ang papa ko. 'Hindi mo ako kilala kung paano ako magalit,' sabi nung babae,” pag-alala ni Ramon.

Noong Disyembre 17, 2015, hindi na nakarating sa sesyon sa city hall ng San Carlos, Pangasinan si Mienrado.

Makalipas ang ilang oras, natagpuan na lang si Mienrado sa loob ng kaniyang sasakyan.

"Base sa investigation ng SOCO (Scene of the Crime Operations), una sinakal pa daw tapos sinaksak,” ani SPO1 Alexander Austria, investigator-on-case.

Naniniwala ang pamilya Ynzon na hindi pulitika ang dahilan ng krimen.

"Ang bait ni papa. Lahat ginagawa niya. Wala akong alam na kaaway niya," ani Ramon.

"Makikita niyo po siya ever since, wala po siyang bodyguard, wala po siyang driver. So kampante po kami kasi alam namin na wala po siyang tinatapakang tao. Napakabait po ni papa," kuwento naman ni Anna.

Sino nga ba ang salarin sa krimeng ito? Sundan ang buong kwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 5:30 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook  at Twitter .

--Ulat ni Toph Doncillo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.