Gadon, ayaw mag-sorry sa inasal sa SC compound sa Baguio

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 01:27 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Walang pagsisisi at hindi hihingi ng tawad si Atty. Larry Gadon sa kaniyang inasal sa labas ng Supreme Court (SC) compound sa Baguio City noong Martes sa pagdinig sa quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. 

Matatandaang pinagmumura, ininsulto, at nag-dirty finger pa si Gadon sa harap ng mga nagpoprotestang taga-suporta ni Sereno. 

Depensa niya, una umano siyang minura ng mga kampi kay Sereno.

"Someone even audaciously moved towards our position. He uttered expletives and some insults. So I got distracted from being interviewed. Sila 'yung nauna," ani Gadon.

Sa bantang disbarment naman, sinabi ni Gadon na ayos lamang daw ito dahil mas makalalaban siya sa mga nanghahamon. 

"Para mawalan ako ng constraint na sa susunod na makita ko sila, I will even challenge them to a fist fight or even a gun duel," ayon sa abogado.

Nagkomento rin si Gadon sa naging "asal" ni Sereno habang ginigisa ng mga kapwa mahistrado. 

"She displayed her ignorance on the proceedings of the court. Naging bastos sya eh...It really showed her lies," obserbasyon ni Gadon. 

Kinukuwestiyon sa quo warranto ang karapatan ni Sereno na hawakan ang kaniyang puwesto, gayung kulang diumano ang isinumite niyang Statements of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) nang mag-apply sa pagka-punong mahistrado noong 2012.

Pero nilinaw na ito ng tagapagsalita ni Sereno at iginiit na kumpleto ang nai-file niyang SALN.

"In some of the years, she doesn't have a physical copy of the SALNs but that doesn't mean that she did not file. She may have other proof," ani Atty. Josalee Deinla.

Kumpyansa naman si Gadon na sisibakin ng Korte Suprema si Sereno.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.