Checkpoints inilatag sa QC kasabay ng barangay election period

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 09:10 AM | Updated as of Apr 14 2018 10:12 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA – Nagsimula na ang checkpoints sa mga lugar sa Quezon City sa unang araw ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Maganda ang naging unang resulta ng checkpoints sa tulong na rin ng mga motorista dahil walang naiulat na untoward incident sa buong magdamag, ayon kay Chief Supt Guillermo Eleazar, District Director ng Quezon City Police District.

Ipinaalala rin ni Eleazar ang pagiral ng gun ban simula Sabado.
 
“During election period, yung may mga permit to carry outside of residence automatic revoked po ‘yun,” sabi niya. Bawal din ang pagdadala ng deadly weapons.

Ikinatuwa rin niya na walang binansagang "hot spots" ang Commission on Elections sa 142 barangay sa lungsod.

Paalala naman niya sa mga motorista na makipagtulungan sa awtoridad hinggil sa mga nakalatag na checkpoints.

“Ito po ay plain view lamang. Bubuksan ang bintana, bubuksan ang ilaw then from the outside titingin lang po yung ating mga kasamang pulis. ‘Pag may bagay na kahina-hinala, based on sound judgement ng mga pulis, pwede po nating palabasin ‘yung driver o occupant ng isang sasakyan,” sabi niya.

Requirement umano ang 3 beses na pagsasagawa ng checkpoints sa isang araw, ayon kay Eleazar.

“Depende na po sa discretion ng station commander kung dadalasin nila ang pagko-conduct ng checkpoints,” sabi niya.

Ang election period ay magtatagal mula Abril 14 hanggang Mayo 21.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.