Biyuda, nagreklamo sa di makuhang pension ng mister

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 07:16 PM | Updated as of Apr 14 2018 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pabalik-balik sa Social Security System (SSS) ang biyudang si Josephine Condez para i-claim ang benepisyo at pension bilang legal na misis ng namatay niyang mister.

Kasal pero matagal nang hiwalay si Condez sa mister na sumakabilang-buhay noong 2015.

Subalit may kapamilya ang kaniyang mister na nagsabi sa SSS na may kinakasama na si Condez kaya naipit ang kaniyang claim.

"Wag naman po kami pahirapan kasi tingnan niyo naman po 'yung anak ko, imbes na maoperahan 'yung mata niya di maoperahan kasi 'yan nga 'yung inaasahan ko eh," ani Condez.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa SSS ang problema ni Condez.

Paliwanag ng SSS, hindi porke't legal na asawa ay awtomatikong makatatanggap ng benipisyo.

"Kailangan meron kayong dependency sa pensioner o member ng SSS...Okay po 'yung di nagsasama pero kung merong ibang kinakasama na, dun po napuputol 'yung dependency mula sa ating namatay na member o pensioner," ani Luisa Sebastian, tagapagsalita ng SSS.

Pero dagdag ni Sebastian, dahil may kapansanan ang isa sa mga anak nila Condez, pasok ito sa benepisyo kahit hindi na siya menor de edad.

Nitong Biyernes, nakatanggap ng good news si Condez dahil matapos ang masusing imbestigasyon, inaprubahan ng SSS ang kaniyang claim at pati siya magkakaroon na rin ng pension.

Magsilbi sanang aral ang karanasan ni Condez para sa mga miyembro ng SSS upang alamin ang mga pakataran kaugnay sa kung sino ang lehitimong mabibigyan ng pension kapag namatay ang miyembro.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang po Facebook page ng Tapat Na Po.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.