ALAMIN: Ano ang mga karapatan ng isang bilanggo

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 04:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi porke't bilanggo ay nawawalan na ng karapatan ang isang tao sa ilalim ng batas. 

Ito ang ipinaliwanag sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM, kung saan tinalakay ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay na inmates dala ng siksikan at mainit na kondisyon sa bilangguan. 

Ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro, isa sa mga karapatan ng mga bilanggo ang pagkakaroon ng maayos na selda.

"Unang-una, kapag ikaw ay nabilanggo, siyempre kapag ikaw ay nilagay sa isang selda, itong selda mo eh dapat 'yung tama naman 'yung sukat sa'yo, ikaw ay makakatulog nang maayos, may right ventilation, makakahinga ka nang maayos," sabi ng abogado.

Bukod dito, may iba pa umanong kinakailangang ibigay sa mga preso.

"Kailangan [sila] ay makaligo, may palikuran, ito ay mga basic necessity ng isang tao na dapat maibigay," ani Castro.

"Naka-deprive ka na ng iyong freedom, nandodoon ka, wala kang ibang pupuntahan, eh di ibigay na lang 'yung tama, hindi naman 'yung sobra, 'yung tama lang na makatao, may dignidad," dagdag nito.

May suhestiyon naman ang abogado para mas mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga may sakit na preso.

"Kapag ang isang preso may sakit, dapat tingin ko ang nag-rereport 'yung BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), sila na dapat ang mag-request sa court kung puwedeng i-allow ito na maospital," mungkahi ni Castro.

"Iyung BJMP ang nakakakita, or sinumang mga pulis kung detainee pa lang 'yan, kayo ang nakakakita ng physical or health condition nu'ng nakabilanggo, kayo na po ang mag-report kung anong dapat para mas mabilis aksiyunan ng korte," dagdag pa nito.

Isa kasi sa nakikitang rason sa siksikan sa mga kulungan ay ang mabagal na pag-usad ng mga kaso. 

Ayon kay incoming Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde, nasa 40 na ang bilang ng mga bilanggo na namamatay sa Maynila simula noong Hulyo 2016.

Ang mabilis na pagkuha ng commitment order mula sa korte ang nakikitang paraan ni Albayalde para ma-decongest ang mga selda sa mga istasyon ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.