5 arestado sa operasyon laban sa BIFF sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 12:45 PM | Updated as of Apr 14 2018 03:09 PM

Sinuong ng mga sundalo at pulis maging ang Liguasan Marsh para hanapin ang target nilang kasapi umano ng BIFF sa Paglat, Maguindanao. Photo courtesy of 33rd Infantry Battalion.

MANILA (UPDATE) – Lima katao ang naaresto sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad laban sa mga pinaghihinalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Biyernes ng hapon, sa Maguindanao, ayon sa militar.

Sinuyod ng mga sundalo at pulis ang kabahayan sa buong barangay Tual sa bayan ng Paglat pati na ang mga sikretong taguan ng mga ito sa loobang bahagi ng Liguasan Marsh, sabi ng militar.

Ayon kay Lt. Col. Harry Cabunoc, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion, target ng operasyon ang paksyon ng BIFF na pinamumunuan ni Sindatok Dilna, alyas "Motolite," kilalang kasamahan umano ng isang nagngangalang Gani Saligan.

Hindi na umano nakapalag pa ang mga suspek nang arestuhin ng awtoridad.

Nakumpiska din sa naturang operasyon ang 3 high-powered rifles at 2 kalibre .45 na baril. Sinabi ni Cabunoc na madalas na ginagamit bilang taguan ng mga terorista at armadong grupo ang malalayong lugar sa Maguindanao.

Nananawagan din si Cabunoc sa mga lokal na opisyal na sundin ang ipinaguutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pangunahan nila ang pagsuko ng mga loose firearms sa kanilang mga lugar.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.