4 pulis, arestado dahil sa umano'y pangingikil sa Egyptian national

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 04:31 PM

Apat na pulis ang arestado sa isang entrapment operation sa Quirino Avenue sa Maynila nitong Biyernes.

Inaresto ng Counter Intelligence Task Force (CITF) at National Bureau of Investigation (NBI) sina SPO3 Ranny Litonjoa Dionisio, PO3 Richard Osorio Bernal, PO1 Elequiel Jeric Fernandez, at PO1 Arjay Lastricia Lasap, na kapwa mga miyembro ng Intelligence Section ng Malate Police Station.

Inireklamo ang apat sa umano'y pangingikil sa isang Egyptian national na kanilang hinuli dahil sa ilegal na droga.

Hiningan umano ng mga suspek ang Egyptian national ng P200,000, na kalauna'y ibinaba nila sa P50,000.

Dinala na sa NBI ang mga inarestong pulis habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanila.

Ayon naman kay Superintendent Eufronio Obong, hepe ng Malate Police, walang spot report at mga kaukulang dokumento ang umano'y pagkakaaresto sa Egyptian national.

Wala rin siyang personal na kaalaman sa umano'y extortion activities ng mga tauhan niya.

Sinabi rin ni Obong na hindi niya ganoon kakilala ang apat na pulis dahil hindi sila direktang nagre-report sa kaniya.

Giit niya, lagi naman umano niyang pinapaalalahanan ang mga pulis-Malate na huwag gagawa ng mga ilegal na bagay.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.