3 patay, 1 kritikal sa banggaan ng van, tricycle sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 07:47 PM

SIPOCOT, Camarines Sur—Nauwi sa pagkamatay ng 3 katao ang banggaan ng isang pampasaherong van at tricycle sa Barangay Bolo Sur sa bayang ito Biyernes ng hapon.

Patay ang 3 pasahero ng tricycle matapos itong salpukin ng van na nag-lock umano ang preno.

"Hindi naman blind curve nagkataon lang na mechanical failure talaga," ani Chief Insp. Ace Christian Mendoza.

Kinilala ang mga nasawi na sina Aida Pantalla at Agnes Aguilar. 

Kasama rin sa mga namatay ang 4 na taong gulang na anak ni Aguilar na nadala pa sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Biyaheng Daet, Camarines Norte ang van habang pauwi naman ang tricycle sa Barangay Bolo Norte mula sa palengke.

Kritikal naman ang drayber ng tricycle na si Nicanor Pantalla, anak ng nasawing si Aida.

Nagtamo naman ng kaunting galos sa katawan ang drayber ng van.

Humiling naman si Nelson Pantalla, anak ng nasawing si Aida, ng tulong pinansyal mula sa drayber ng van.

"Sagutin lang niya, kasi wala naman kaming magandang hanapbuhay, sa niyugan lang," aniya.

Pinalabas na sa kulungan nitong Sabado ng umaga ang drayber ng van na nangakong tutulong sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.