PatrolPH

Matandang lalaking naglalako ng mesa sa ilalim ng araw tinulungan

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2023 06:10 PM

Watch more News on iWantTFC

Isang matandang lalaki ang tinulungan ng isang kambal matapos nila itong makitang naglalako ng mesa kamakailan sa ilalim ng araw sa San Fernando, Pampanga.

“Sobrang bigat po talaga ng dinadala niyang mesa. Halos hindi na nga po siya makahinga sa sobrang pagod po niya," sabi ni Pat Manalo, ang isa sa kambal, sa panayam sa kanila sa TeleRadyo ngayong Huwebes.

Kinilala ang matanda bilang si Lolo Patricio o Lolo Patring, 74 anyos. 

Ayon kay Pat, P550 ang presyo ng mesa na ibinibenta ni Lolo Patring at P50 lamang ang kinikita niya rito.

"Yung kaibahan kay tatay, hindi niya po sinisigaw yung binibenta niya. Siguro po, sa kaniya, nagdadasal po siya na sana mayroon nang bumili nung dinadala niya.”

Bilang tulong ay binili nila ang mesang ibinibenta ni Lolo Patring.

Pero nasundan pa ang kanilang pagkikita matapos ang isang buwan. Naglalako anila ulit si Lolo Patring ng dalawang mesa at mas malaki kaysa noong una.

"Binili po namin (ulit)... Ginagamit namin yung tatlo(ng mesa)," sabi ng kambal, na ang isa sa kanila ay may pangalan namang Kat.

Anila, nang ibahagi nila sa social media ang kanilang paunang karanasan kay Lolo Patring, naging viral ito.

"Nung pangalawang meet po namin, tinanong namin kung anong pangalan niya, saan siya nakatira. Doon kasi sa nag-viral na video, andaming gustong tumulong kay Tatay, pero wala kaming maibigay na information kung saan sila makakapagpadala ng tulong," kuwento nila.

Dahil sa kanilang pakikipag-ugnayan, nakausap nila ang apo ni Lolo Patring hinggil sa pagtanggap ng tulong sa pamamagitan ng isang e-wallet.

"Andami pong nagbigay ng tulong sa kaniya. After two days, pinuntahan namin agad si Tatay para ibili siya ng mga pagkain at ibigay yung mga tulong na binigay sa kanıya," anang kambal.

Biyudo na si Lolo Patring at ang kasama nitong anak naman ay na-stroke umano. At kaya raw ito naghahanap-buhay pa at hindi namamalagi sa bahay ay upang maiwasang maalala ang namayapang asawa.

Bukod sa mga tulong na una nilang naipaabot na, pina-check up rin ng kambal ang mga mata ni Lolo Patring nitong Miyerkoles at pinagawan ng salamin.

Ibinili rin nila ito ng electric fan at radyo.

"Kamukhang-kamukha siya ng lolo namin," kuwento ng kambal na, anila'y, nag-alaga rin sa kanilang sariling lolo.

Ginawan nila ng Facebook page si Lolo Patring upang doon na dumeretso ang mga nais magpahatid ng tulong at bumili ng kaniyang mga tinitindang mesa.

- thumbnail image courtesy of Manalo Twins

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.