MAYNILA — Matapos ang higit isang linggong pagkakawala, naiuwi sa kaniyang pamilya ang isang bata sa Tarlac City nitong Lunes sa tulong ng isang concerned citizen.
Hindi na nakita si Luiz Ken Lapuz, 13, ng kaniyang amang si Stan Lapuz mula nang ihatid niya ito noong Abril 2 para magsimba umano sa Tarlac Cathedral.
"Ang alam ko, ayaw niya lang ng napagsasabihan... Pangatlong beses na niya ngayon ito. Nung una, nandiyan lang siya sa tabi-tabi. Kinukuha ko lang siya, sinusundo ko siya. Ngayon, itong huli, halos isang linggo na ngayon... na siyang wala," sabi ng nakatatandang Lapuz nang dumulog ito sa Lingkod Kapamilya ng ABS-CBN TeleRadyo nitong Lunes upang humingi ng tulong.
Sa tulong ng concerned citizen na si Ronnie "Bong" Bulanadi na pansamantalang kumupkop kay Luiz Ken, nagkasama muli ang mag-ama pagsapit ng gabi ng araw na iyon.
Sa panayam ng ABS-CBN TeleRadyo kay Bulanadi nitong umaga ng Huwebes, ipinaliwanag niya kung paano napunta sa kaniya si Luis Ken.
“Naglalakad po kasi sila dito sa barangay namin. Then may mga kakilala siyang bata dito, tinanong namin kung saan sila pupunta. Pupunta daw po sila sa irrigation. Tapos sabi namin, huwag na pumunta doon dahil baka makursonada sila ng mga bata. Tapos niyaya sila ng mga bata dito,” ayon kay Bulanadi.
Matapos ang ilang araw, kinausap ni Bulanadi si Luiz Ken upang malaman kung saan ito nanggaling.
"Noong una po, ayaw niyang magsalita. Tapos noong nag one-on-one kami matapos ang ilang mga araw - nag-uusap din po kasi kami ng mga bata dito kapag alam kong mga batang layas sila - tapos, sabi po, kasi napapagalitan po palagi [si Luiz]. Tapos kapag tinatanong ko kung tiga-saan, ayaw naman pong magsalita," aniya.
Nakita kalaunan ni Bulanadi ang isang Facebook post na nagsasabing nawawala si Luiz Ken.
Nagpasya siyang tawagan ang number ng pamilya at iuwi si Luiz Ken sa Barangay San Vicente.
Sa panayam kay Tatay Stan, sinabi niyang nakapag-usap na silang mag-ama tungkol sa nangyari.
“Nag-uusap na po kami [ni Luiz] … Sabi ko sa kaniya ay natural lang na napapagalitan ka kapag mali ang ginagawa mo. Hindi ko naman hahayaan na ito-tolerate yung mali… Hindi ko naman alam na ganoon ang gagawin niya. Nagsimba lang siya… Tapos hindi ko naman alam na hindi na siya uuwi," aniya.
Lubos ang pasasalamat ni Tatay Stan kay Bulanadi na nagdala sa kaniyang anak para makauwi sa kanilang tahanan.
Nagbigay rin ng payo si Bulanadi sa mga magulang na kumustahin ang kanilang mga anak at makipag-bonding sa kanila.
"Minsan, tanungin din po natin yung mga anak natin, kumustahin po natin sila… One-on-one talk lang po para maka-bonding niyo… Malaking bagay po yun para ma-develop yung mga pagsasama nating mga magulang sa ating mga anak," sabi ni Bulanadi.
Aminado siyang naging batang-gala rin siya noon kaya alam niya ang pag-iisip ng mga ito at concerned siya sa kanila.
"HIndi lang si Luiz ang inaalagaan ko dito. Marami pa pong mga bata, yung mga batang kalye. Kasi, naaawa ako sa kanila, maraming masasamang loob ngayon, mga nagnanakaw ng bata," ani Bulanadi. Sa kasalukuyan, lima aniya ang mga batang nasa shop niya.
Pero may payo rin siya sa mga kabataan, partikular yung mga napapariwara o nawawala sa tamang landas: "Mahalin natin yung mga magulang natin dahil masakit mawalan ng mga magulang."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.