People buy goods along Recto St. in Divisoria market in Manila on January 20, 2022. George Calvelo, ABS-CBN News.
MANILA - Kinwestiyon ni Manila City mayoral candidate Amado Bagatsing ang pagbenta ng Manila City LGU sa Divisoria Public Market.
Hindi umano maganda ang tiyempo ng pagbenta ngayong may pandemya at maraming vendor ang mawawalan ng trabaho.
Sinabi ni Bagatsing na hindi umano dumaan sa public consultation ang usapin at lingid sa kaalaman ng nasa 500 hangang 700 vendor sa Divisoria na naibenta na ang lupa.
“Mahirap ‘yong hindi ka sasabihan, paaalisin ka na lang eh. Ang palengke, serbisyo publiko ‘yan eh. Hindi para kumita ang lungsod. Para bumaba ang presyo ng bilihin. Baliktad ang nangyari sa Divisoria,” ayon kay Bagatsing.
Sa naunang pahayag ng kaniyang katunggali sa pagka-alkalde ngayong halalan na si Vice Mayor Honey Lacuna, sinabi nitong nalulugi na umano ang Manila City LGU sa naturang property kaya napagpasyahang ibenta na lang ito.
P20 per square meter ang lease ng kasalukuyang namamahala na Linkworld Corporation, na may kabuuang P57 million sa loob ng 25 taon.
Nanindigan rin si Manila Mayor at presidential aspirant Francisco "Isko Moreno" Domagoso na naibenta ito sa mas mataas sa valuation na ibinigay ng Commission of Audit na P173.136 per square meter.
Pero ayon kay Bagatsing, mababa pa ito para sa isang prime property kumpara sa halaga ng ibang lupa sa Ongpin at paligid ng Divisoria.
“Mahirap humanap ng ganiyang kalaking lupa sa lugar na ‘yon. Prime property ‘yan eh. May palengke tayo diyan. Walang compelling reason para ibenta ‘yong palengke. Pwede naman ‘yan i-renegotiate. Ang kuwestiyon nga, ibinenta ninyo kung kalian mababa ang presyo dahil may pandemya,” sabi ni Bagatsing.
Nais din niyang ipaliwanag ng LGU kung bakit kinailangang ibenta ang Divisoria Public Market gayong may P44 bilyong pondo ang LGU mula sa sale of assets ayon umano sa DBM.
“Hindi karakaraka ibinebenta ang patrimonial properties dahil ito ay pamana ng lungsod sa susunod na henerasyon. ‘Pag benta ka nang benta, nawawalan ka ng asset. Humihirap ang inyong lungsod. Alam naman po natin na umaakyat ang real estate… Hindi naman umaabot sa bangkarote ang lungsod ng Maynila. Ako, tingin ko, hindi ko gagawin ‘yon. Pwede ‘yon i-joint venture. Pwede mo ipagamit without losing the asset,” pahayag ni Bagatsing.
Nasabi ni Domagoso na kasama sa pinanggamitan ng pera mula sa pagbenta ng Divisoria Public Market ang pagpapagawa ng Baseco Community at pagbili ng gamot laban sa COVID-19.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.