PatrolPH

Travel ban ipatutupad sa Marinduque dahil sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2021 10:48 PM

BOAC, Marinduque - Bawal muna ang pagpasok ng mga domestic at foreign travelers, maging ang mga hindi kabilang sa Authorized Persons Outside Residence (APOR), sa lalawigan ng Marinduque simula Abril 14 hanggang katapusan ng buwan.

Base ito sa inilabas na Executive Order No. 013 series of 2021, ng provincial government nitong Martes, na pirmado ni Governor Presbitero Velasco Jr. noong April 12.

Ang desisyong ito ng Marinduque-LGU ay para masolusyunan ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, maging sa lalawigan. 

Travel ban ipatutupad sa Marinduque dahil sa COVID-19 1
Travel ban ipatutupad sa Marinduque dahil sa COVID-19 2

Simula March 19, 2021, nakapagtala ang Marinduque ng 26 na kaso ng COVID-19.

Papayagan namang makapasok ang mga APOR pero kailangang sumailalim sa antigen test.

Ang mga returning OFWs ay makakapasok ng lalawigan pero kailangang sumalang sa RT-PCR test.

Hindi naman required sa COVID-19 test ang mga government officials na sumailalim sa testing.

Ipatutupad ang house lockdown sa bahay ng magkakaroon ng kaso ng COVID-19. Kailangan sumailalim ang mga nakatira dito sa testing at kung iilan lang ang magpositibo sa sakit, dadalhin sila sa isolation facility. 

Pero kung ang lahat ng nakatira sa bahay ang magpositibo sa COVID-19, sa bahay na sila mananatili, at ang nakasasakop na bayan ang magdadala ng pagkain sa mga ito habang nagpapagaling. 

Ang nakakasakop na barangay ang maglalagay ng bantay at ang Barangay Health Response Team ang bibisita para malaman kung meron pang ipinakikitang sintomas ang naka-quarantine na pasyente. 

Base sa huling tala ng Department of Health Mimaropa noong Abril 11, sa 328 confirmed COVID-19 case sa Marinduque, 14 ang active cases, 14 ang namatay dahil sa sakit habang 299 na ang gumaling.

- ulat ni Andrew Bernardo

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.