Kolorum na mga van mula Bicol papuntang NCR hinuli sa Laguna

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2021 09:51 AM

MAYNILA - Ipina-impound ang 2 kolorum na van na nasita sa lungsod ng Calamba, Laguna dahil lumabag sa health protocols at nahuling naghahatid ng mga tao papasok ng NCR Plus kahit ipinagbabawal ito sa ilalim ng lockdown.

Sa operasyon ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) sa Real Road, Barangay Turbina noong Lunes, nadatnang siksikan ang tig-14 na pasahero kasama ng kanilang mga gamit sa loob ng mga van.

Ayon sa mga enforcer, sinabi ng mga pasahero na galing sila sa mga probinsya sa Southern Luzon. 

Sa halagang P700 hanggang P2,000 kada tao, isinakay ng isang van ang mga pasahero mula Bicol papuntang Fairview sa Quezon City.

Watch more on iWantTFC

Siningil naman ng aabot sa P2,500 kada tao ang mga nanggaling ng Lucban, Quezon papuntang Pasay City.

Sa parehong operasyon, hinuli rin ang 14 na shuttle service na nadiskubreng kulang naman sa mga papeles o requirements.

Noong nakaraang linggo, ikinabahala ng gobyerno ang pagpupuslit ng mga tao papasok sa NCR Plus sa gitna ng Enhanced Community Quarantine na tinagurian nilang "COVID-19 smuggling”.

Maging mga truck ay nahuling ginagamit para iligal na maghatid ng mga tao.

Pero kahit nasa ilalim na ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang NCR Plus bubble mula Abril 12 hanggang 30, pinagbabawalan pa ring bumiyahe ang mga hindi authorized persons outside of residence (APOR).

Muling paalala ng i-ACT sa mga biyahero na huwag tangkilikin ang mga colorum na sasakyan at iwasan ding bumiyahe kung pinagbabawalan pa.

KAUGNAY NA BALITA:

Watch more on iWantTFC