Ilocos Sur nagtala na ng kaso ng UK COVID-19 variant

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2021 11:14 PM

Nakapasok na sa lalawigan ng Ilocos Sur ang UK COVID-19 variant, ayon sa gobernador ng lalawigan nitong Lunes.

Inanunsiyo ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson sa kaniyang Facebook page na nakatanggap siya ng memorandum mula sa opisina ng DOH na nagsasabing may UK variant o B117 virus na sa lalawigan.

Ang pasyente ay isang 58-anyos na babae mula Brgy. Luba sa bayan ng Sta. Lucia, Ilocos Sur. Isa siyang agriculturist sa National Tobacco Administration-Candon Branch. 

Wala umanong siyang travel history.

Sa isinagawang contact tracing, na-expose raw siya sa isang empleyado ng gobyerno na kabilang sa authorized persons outside residence (APOR). 

Nakatira ang empleyado sa Rosario, La Union at nagta-trabaho rin sa NTA-Candon. 

Base sa anunsiyo, ang APOR na ito ay bumiyahe sa Metro Manila para dumalo sa isang pagpupulong, at nang makauwi sa Ilocos Sur ay nakipagpulong sa mga agriculturist sa nasabing lalawigan.

Sa huling tala ng lalawigan nitong Abril 13, nasa 889 ang bilang ng mga COVID-19 case sa Ilocos Sur.—Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.