MAYNILA — Malaking problema ngayon ang tambak na labahin dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon kontra pagkalat ng COVID-19.
Ayon sa United Philippine Laundry Association (UPLA), tambak na ang maruruming damit ngayon lalo sa mga nakatira sa mga condominium dahil walang masampayan doon.
Nasa 95 porsiyento daw ng mga laundry shop sa buong Pilipinas ay sarado, sabi ng grupo.
"Marami po 'yung areas na ayaw po magpabukas ng shops... Gusto man magbukas ng shops nung owners, hindi makarating sa shops. The other shops na bukas, nakakapagbukas kasi stay-in 'yung mga staff nila or malalapit lang 'yung bahay ng staffs nila," ani Rogel Tapang, presidente ng UPLA.
Hiling ng UPLA, sana ay payagan ding makapagbukas ang mga laundry shop dahil pangunahing pangangailangan din ito.
May guidelines din silang ipatutupad tulad ng drop-off service lang at pagbawal sa self-service upang hindi dumagsa ang mga tao.
"We believe that we're part of the top 3 basic needs of people under clothing siyempre. Definitely very essential po siya," ani Tapang.
Payo naman ni infectious diseases specialist na si Dr. Endymion Tan sa mga laundry shop, makabubuti pa ring magsuot ng face mask at gloves.
"Sanitize and clean the basket everyday. And doon sa bags nila doon nalang nila ilagay 'yung clean na clothes... para hindi rin ma-contaminate," ani Tan.
Sa mga may bakuran, makabubuti rin ang pagbibilad ng mga damit sa araw.
Panawagan din ni Tan na huwag pandirihan ang mga labada ng frontliner dahil higit sa lahat alam nila kung paano protektahan at pangalagaan ang sarili nila laban sa sakit.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, laundry, COVID-19, labada, coronavirus, TV PATROL