PatrolPH

St. Luke's Medical Center nanawagan ng plasma donation sa COVID-19 survivors

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 04:32 PM

Nanawagan ang St. Luke's Medical Center sa mga gumaling mula sa coronavirus disease (COVID-19) na magbigay ng kanilang plasma sa dugo, na nakatutulong umano sa paggaling sa sakit.

Ayon kay Dr. Francisco Lopez. head of bone marrow transplant sa St. Luke's Medical Center, bukod sa mga nakarekober sa kanilang ospital, puwede ring mag-donate ng plasma ang mga gumaling matapos mag-self-quarantine sa kanilang mga bahay.

"We are making an appeal to the public, aside from our own patients na nag-recover... because there are some patients na hindi pa sila na-admit sa hospital," ani Lopez.

"Kung puwede silang tumulong din sa mga pasyente dito sa ospital by donating their own plasma," dagdag niya.

Nakatutulong umano ang plasma sa dugo ng mga gumaling sa COVID-19 para sa iba pang pasyenteng nasa kritikal ang lagay at hindi na halos nagre-respond sa anti-viral drugs.

Ginamit din ang plasma therapy sa iba pang sakit tulad ng severe acute respiratory syndrome (SARS), Middle East respiratory syndrome (MERS), at Ebola.

"Kung nagkaroon tayo ng infection ng virus, ang sarili natin katawan ay gumagawa ng antibodies na panlaban sa virus na 'yon," paliwanag ni Lopez.

"Itong antibodies na ito, ginagawa ng isang pasyente na nagkaroon ng virus and when they recover, puwede po natin kuhanin ito, 'yong antibodies nila at ibigay sa ibang pasyenteng malubha ang sakit," aniya.

Sa South Korea, naiulat ang paggaling ng 2 matandang coronavirus patient mula sa severe pneumonia nang makatanggap sila ng plasma mula sa COVID-19 survivor.

Sasailalim sa screening ang dugo at kailangang hindi magpositibo sa human immunodeficiency virus (HIV), syphilis, o malaria.

Sa mga magdo-donate ng plasma, kailangang umiwas muna sa matatabang pagkain at uminom ng maraming tubig. Maaaring mag-donate muli ng plasma pagkatapos ng 14 araw.

Bukod sa St. Luke's, nanawagan na rin ang Philippine General Hospital ng donasyon na dugo mula sa COVID-19 patients para sa plasma therapy.

Noong Linggo, umabot sa 4,648 ang bilang ng mga positibo sa COVID-19 sa Pilipinas habang 197 na ang gumagaling sa sakit.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.