Petisyong isapubliko ang health records ni Duterte, walang basehan: Panelo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 11:56 PM

Walang nakikitang dahilan si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo para ilantad sa publiko ang resulta ng pinakahuling medical, psychological, psychiatric exams, at iba pang health records ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Reaksiyon ito ni AttyPanelo sa inihaing petisyon ng abogadong si Dino de Leon sa Korte Suprema na layong pilitin ang pangulo na ipakita ang mga record na ito para matukoy kung nasa tamang kundisyon pa ito na pangasiwaan ng bansa. 

Pinuna kasi ng abogado na tila isang “drunken monologue” umano na puno ng incoherent, unresponsive, at umano’y mga walang saysay na pahayag ang mga nakaraang public address ni Duterte. 

Tugon naman ni Panelo, walang legal na basehan ang petisyon dahil ang mga alegasyon dito ay tila nakabase lang sa mga spekulasyon. 

Ipinaliwanag rin ni Panelo na base aniya sa Konstitusyon, dapat lamang isapubliko ang estado ng kalusugan ng pangulo kung maituturing na seryosong sakit na ito. 

Wala naman aniyang ebidensiya na may malubhang karamdaman na si Duterte ngayon, ayon kay Panelo.

Giit niya, posibleng wala lang magawa at resulta ng boredom dahil sa community quarantine itong petisyon ng abogado. 

Pinayuhan siya ni Panelo na gamitin nalang ang kaniyang oras na mag-aral at magreview na lang umano ng batas.