PatrolPH

Paninita sa physical distancing sa Bataan, nauwi sa gulo

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 11:58 PM | Updated as of Apr 14 2020 03:03 AM

MARIVELES, Bataan - Nauwi sa gulo ang simpleng pagpapatupad sana ng physical distancing sa isang compound sa Barangay Camayan sa Mariveles, Bataan noong Biyernes.

Kita sa kuha ng cellphone ang takbuhan ng ilang kalalakihan. Ang ilan, namulot pa ng mga bato at hinagisan pa ang iba.

Watch more on iWantTFC

Sa imbestigasyon ng Mariveles Police, sinita ng isang municipal guard ang kapitbahay dahil sa hindi pagsunod sa quarantine protocols.

"Nagkasagutan lang daw about social distancing," ani Police Lt.Col. Ronald Almirol.

Pero tila iba ang naging dating sa kapitbahay na sinamahan pa ng mga kasama sa compound sa pagsugod sa nasabing municipal guard.

Sugatan ang biktimang municipal guard at 1 pang kasama habang inaresto at sinampahan na ng kaso ang 6 na sumugod sa bahay ng biktima.

Kakasuhan ang mga ito ng less serious physical injuries and slight physical injuries at trespass to dwelling, ayon kay Almirol.

Panawagan ng pulisya sa publiko, sumunod sa batas at makipagtulungan sa mga otoridad dahil ito lang ang paraan para malabanan ang pagkalat ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.