PatrolPH

Pagkuha ng ayuda ng PUV drivers dinagsa

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 05:28 PM | Updated as of Apr 13 2020 08:26 PM

Watch more on iWantTFC

Dumagsa ngayong Lunes ang mga driver ng mga pampublikong sasakyan sa mga sangay ng Landbank para makakuha ng ipinangakong ayuda ng gobyerno.

Pero hindi lahat ay nakakuha ng ayuda dahil, sabi ng mga pumilang driver sa sangay ng LandBank sa may Philippine Coconut Authority (Philcoa) sa Quezon City, limitado lang ang kayang i-accommodate ng bangko, na nasa 350 kada araw.

Ang iba naman umanong driver ay wala ang pangalan sa listahan ng mga makakukuha ng ayuda, gaya ng 69 anyos na taxi driver na si Jimmy Tindungan.

Ayon kay Tindungan, nakiangkas siya sa motorsiklo ng kapitbahay para lang makarating sa Landbank sa Philcoa mula sa Bagong Silangan, Caloocan ng alas-5 ng madaling araw.

Bandang tanghali ay pinutol na ang pila ng mga kukuha ng ayuda.

Ayon sa ibang nakapila, nakaikot na rin sila sa ibang mga sangay ng bangko at sarado na rin ang mga ito.

Hindi rin naobserbahan ang social distancing sa pila ng mga driver bagaman maya't maya ay sinasabihan ang mga magkakalapit sa pila.

Galing sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Social Welfare and Development ang masterlist ng mga bibigyan ng ayuda, na nagkakahalagang P8,000.

Nauna nang sinabi ng LTFRB na ibinabase nila ang listahan ng makakukuha ng ayuda sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan o iyong mga direktang nakarehistro sa kanila ang pangalan.

Inilabas din ng LTFRB sa kanilang Facebook page ang listahan ng mga makakukuha at kung saang branch ng Landbank kukuhanin ang ayuda. Kailangan lang dalhin ang driver's license.

Nasa 4,000 PUV driver na ang nabigyan ng tulong, ayon sa LTFRB.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.