PatrolPH

Ilang vendor ng Agora Market, nagprotesta laban sa rolling store sa San Juan

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 10:59 AM | Updated as of Apr 13 2020 11:15 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA - Nagkilos-protesta sa harap ng Agora Market sa San Juan ang ilang mga vendor, Lunes, upang kondenahin ang rolling stores na inilunsad ni dating San Juan Vice Mayor Janella Estrada.

Ayon sa mga vendor, mas lalong nalulugi ang kanilang mga negosyo sa palengke dahil higit kalahati ang presyo ng mga paninda sa naturang mobile palengke.

"Pag tinatanong kami ng bumibili bakit ang mahal sa inyo? Ano gagawin namin e pera 'yun ni Jinggoy? Wala na nga kaming puhunan," ani Rosemarie Refe, board member ng Samahan ng mga Manininda ng Agora.

Isang halimbawa ay ang kilo ng baboy na mabibili ng P110/kg sa rolling store at P240/kg naman sa palengke.

Matapos ang maiksing rally, pinapasok na ng mga pulis ang mga vendor sa loob ng palengke upang hindi nila malabag ang patakaran sa physical distancing.

Kamailan ay binatikos ni dating Senador Jinggoy Estrada, ama ni Janella, si San Juan Mayor Francis Zamora na sinasabotahe umano ang mga mobile palengke na sinimulan ng kaniyang anak.

Ayon sa dating senador, sinabihan umano ng alkalde ang mga vendor na huwag na huwag sasama sa nasabing programa.

Hinihintay pa ng ABS-CBN News na magbigay ng pahayag si Zamora.

- ulat mula kay Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.