PatrolPH

3 barangay officials sumuko matapos maaktuhan sa sabungan sa sementeryo

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2020 04:37 PM | Updated as of Apr 13 2020 10:08 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Sumuko mismo kay Manila Mayor Isko Moreno ang 3 sa 4 na mga opisyal ng barangay sa Caloocan City na naaktuhang nagsasabong noong Biyernes Santo sa Manila North Cemetery. 

Imbes kasi sawayin ng mga opisyal ng barangay ang mga nagsasabong, sila pa umano ang nanood at nakisama sa sugal na ginawa sa loob mismo ng sementeryo. 

Alas-6 ng gabi ng Sabado, unang sumuko ang sinasabing operator ng tupada na nakilalang si "Kabron."

Inamin ni Kabron na kasama siya sa nagpasimuno at nag-operate ng tupada sa sementeryo.

Natukoy ng Manila local government na 4 sa nagsasabong ay mga opisyal pala ng Barangay 129 sa Caloocan, kabilang ang mismong chairman nito. 

Kinumbinsi ni Caloocan Mayor Oca Malapitan ang mga nabanggit na opisyal ng barangay na sumuko na rin.

Sabado ng gabi ay sumuko mismo kay Moreno ang 3 sa 4 na opisyal at doon humingi sila ng tawad sa alkalde. 

Kinasuhan si Barangay Chairman Brix Reyes, 3 pa niyang barangay kagawad, at 2 pang naaresto ng illegal cockfighting at paglabag sa Bayanihan Act dahil sa kawalan ng social distancing.

Bukod pa ito sa mga kasong administratibo na posibleng isampa sa 4 na barangay officials.


—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.