OFW na binanlian ng amo, may babala sa mga nais mamasukan sa Saudi

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 10:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakauwi na sa bansa ang overseas Filipino worker (OFW) na minaltrato ng kaniyang amo sa Saudi Arabia.

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Biyernes ng umaga ang 26-anyos na si Pahima Alagasi.

"Hindi po ako makapaniwala na umabot ako sa ganito na... hindi ko na po kasi inasahan na makakauwi pa po ako," ani Alagasi. 

Lumabas sa social media noong 2014 ang mga larawan ni Alagasi kung saan lapnos ang kaniyang balat matapos banlian ng amo ng kumukulong tubig.

Nagdemanda siya noon ng physical abuse at maltreatment, pero bumwelta naman ang amo niya ng kasong "slander" dahil sa kaniyang post na nag-viral.

Napalaya lang si Alagasi nang manghimasok na sa kaso si Saudi Arabian prince Abdulaziz bin Saud bin Naif sa kahilingan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

May mensahe naman si Alagasi sa mga gustong mamasukan sa Saudi.

"Pag-isipan muna nilang mabuti 'yung gagawin po nila, kasi hindi po basta-basta na pumunta du'n na mahina 'yung loob mo. Kailangan mo rin pong mag-ipon ng lakas ng loob," babala ni Alagasi.

Ayon kay Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia Adnan Alonto, nasa 200 pang minaltratong Pinay ang nasa pangangalaga ngayon ng embahada sa Saudi.

--Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.