Ninakaw na incense boat sa simbahan sa Palawan, naibalik na

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 08:46 PM

Naisauli na muli sa katedral ng Imakulada Conception ang incense boat na ninakaw sa altar noong Linggo ng Muling Pagkabuhay. Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY—Nasa pangangalaga na muli ng Katedral ng Imakulada Conception ang incense boat na ninakaw sa altar noong madaling araw ng Linggo ng Muling Pagkabuhay.

Nasapul sa CCTV ang pangyayari kung saan humawak pa sa krus at lumuhod sa harap ng tabernakulo ang lalaki bago kinuha ang bangka ng insensario.

Isang indibidwal na nagmamalasakit sa simbahan at kakilala ng nagnakaw ang nagbalik sa pari ng kinuhang gamit. Napag-alaman namang may sakit sa pag-iisip umano ang lalaking nagnakaw.

Hindi na rin daw magsasampa ng kaso ang simbahan at sa halip ay humihingi ng pag-unawa at malasakit ng lahat para sa taong nagnakaw.

"Kaysa ang ating gawin ay tayo po ay magreklamo, mas binibigyan natin ng pagpapahalaga 'yung pagmamalasakit sa kaniya kasi alam natin na marahil na kung siya ay nasa katinuan naman hindi niya rin gagawin ang bagay na ito. Ngunit galing na rin sa kahinaan niya sa pagkakataong ito, makikita natin na kung saan kailangan niya ng pag-intindi sa kapanahunang ito,” ayon kay Reb. Padre Jasper Lahan ng Immaculate Conception Parish.

Maaaring napagkamalan umanong ginto ang ninakaw na bangka ng insensario. May mga parte na rin kasi nito na mistulang kiniskis na.

Muli ring hinihiling ni Lahan ang respeto ng lahat para sa mga gamit ng simbahan. 

"Ngunit kahit sa napakasimpleng bagay na ito — sa kasimplehan nito, makikita natin na mayroon pang realities na ipinapakita lalung-lalo na ito ay tumutulong sa atin para maging sagrado ang ating mga gawain. Isa rin po sa mga panawagan natin na sana ibalik natin 'yung pagkaunawa sa mga sagradong bagay,” pahayag ng pari.

Samantala, para sa simbahan, ang pagbalik ng bangka ng insensario ay pagpapakita rin ng kabutihan ng Diyos na nananatiling buhay sa puso ng mga taong nagmamalasakit at pumapanig sa kabutihan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.