Konsehal sa Laguna patay sa pamamaril ng riding in tandem

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 05:46 PM

SAN PEDRO, Laguna—Patay ang isang konsehal ng Barangay Bangkuro sa bayan ng Nagcarlan matapos pagbabarilin ng 2 lalaking sakay ng motorsiklo Huwebes ng gabi.

Mula sa Liliw nagmaneho ng kaniyang jeep patungo sa Barangay Langgam sa San Pedro ang biktimang si Armando Montessa, alyas "Manding," upang ihatid ang mga paninda niyang prutas at gulay.

Habang ibinababa ng mga pahinante ang mga paninda, natulog muna sa driver seat si Montessa para magpahinga.

Sakto namang dumating ang 2 lalaking sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima. 

Itinakbo pa si Montessa sa ospital, pero idineklarang dead on arrival. 

Nahagip sana ng CCTV ng barangay ang insidente pero sira umano ang kanilang camera. 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis kung ano ang motibo sa krimen, lalo't wala naman daw nababanggit na kaaway ang konsehal. 

Tinitingnan din kung may kaugnayan ang insidente sa nalalapit na barangay elections sa susunod na buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.