Inmates na namatay sa siksikang selda umabot na sa 40: Albayalde

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 10:28 AM | Updated as of Apr 13 2018 11:17 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA – Tinatayang pumalo na sa 40 ang bilang ng mga namamatay na inmates dala ng siksikan at mainit na kundisyon sa mga istasyon ng pulisya sa kalakhang Maynila, ayon kay incoming Philippine National Police chief Oscar Albayalde.

"Sa kabuuan, kung talagang bibilangin natin ang mga namatay na mula po noong July 2016 lang, nasa 40 lahat 'yan sa detention cells ng ating mga kapulisan," sabi ni Albayalde.

Ayon kay Albayalde, sa Pasay City naitala ang pinakamaraming bilang ng mga nasawi dahil sa sobrang siksikan sa mga detention cell.

"Minsan good for 30 lang po (ang detention cell), pero ang nakakulong kulang-kulang 100," sabi niya.


Nito lamang Miyerkoles, isang inmate ang namatay matapos na atakihin sa puso sa loob ng detention cell ng Station Investigation and Detection Management Branch ng Pasay City Police.

Ayon sa ulat, hinimatay umano si Domingo Delos Santos at 7 iba pang inmate dahil na rin sa mainit at masikip na selda.

Naisugod sila sa ospital pero dead on arrival na si Delos Santos.

Nakikita naman ni Albayalde na ang mabilis na pagkuha ng commitment order mula sa korte ang isang paraan para ma-decongest ang mga selda sa mga istasyon ng pulisya.

"Ang pagpapabilis ng commitment order sa korte 'yun po ang pinakaimportante kasi nga po 'di natin mailipat 'yan sa mga regular na jail handled by BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) without a commitment order," pahayag ni Albayalde sa DZMM Biyernes ng umaga.

Bukod dito, tumutugon din ang local government units para makatulong sa pagresolba ng problema.

"Sa Pasay, ililipat na 'yung istasyon d'yan sa mas magandang lokasyon. Ngunit 'di pa nga naumpisahan. Pero itong taong na ito most probably maaayos po 'yan," sabi n'ya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.