Biktima ng cryptocurrency scam, naenganyo dahil sa malaking tubo

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA—Ikinuwento ng isa sa mga biktima ng cryptocurrency scam ang kaniyang karanasan at kung bakit siya naenganyong mag-invest dito.

Ayon kay “Norman”, bagama’t hindi malaki ang kaniyang investment, hindi na niya muling nabawi pa ito.

"Nahikayat lang ako kasi sa Facebook may mga nagpo-post na 'yung 16-days investment, ganun," kuwento niya.

Mas maeengayo pa umano ang mga investor na magpasok ng pera dahil wala naman umanong negatibong feedback. 

“In fact, mayroon silang mga outreach programs tapos makikita mo yung mga sasakyan nila ang gaganda. Mae-entice ka talaga,” sabi niya.

Nakapaglagay si Norman ng P50,000 na sariling pera para sa umano'y cryptocurrency investment na tumubo naman ng P10,000. Pero gaya ng maraming investors, hindi niya kinuha ang tubo at pinaikot lang niya muli.

Dahil nakita niyang may resulta, nagpasok pa siya ng pera sa kanilang upline.

"Hindi namin alam na December pa lang na-hold na yung pera. So hindi na nag-roll yung pera ng investors, hanggang sa hindi na nakakasuweldo ang lahat," sabi niya.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), walang pinag-iba ang cryptocurrency scam sa iba pang investment scams ngayon.

Ayon kay Senior Inspector Artemio Cinco ng PNP Investigation Section, hindi naman scam ang mismong mga cryptocurrency.

"Ang scam po 'yung investment o 'yung tao pong inaabuso siya para mapag-scam," pahayag ni Cinco sa programang "Lingkod Kapamilya" sa DZMM, Biyernes ng umaga.

Sabi ni Cinco, ang cryptocurrency tulad ng Bitcoin ay ginagamit na rin bilang paraan ng pagbabayad ng malalaking kompanya.

"Maraming legitimate businesses na gumagamit ng Bitcoin. Ina-accept po talaga nila ito," paliwanag niya.

Kamakailan lang ay bumagsak sa kamay ng awtoridad ang mag-asawang nasa likod umano ng investment scam na ito. Nakilala silang si Arnel Ordonio, 27, at misis niyang si Leonady. Sila ang registered owners ng NewG company na kumukuha ng investments mula sa mga biktima.

Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, posibleng umakyat pa ang tinatayang P900-milyon na nakuha ng mga suspek mula sa mga biktima.

Payo naman ni Cinco sa mga nagbabalak na pumasok sa mga katulad na istilo na maging mapanuri kung ang pangako ay "too good to be true".

"Kung gusto nating mag-invest, siguraduhin po nating legitimate 'yung company na pinapasukan natin," sabi ni Cinco.

Magduda na umano kung masyadong malaki ang ipinapangakong perang babalik sa iyo sa loob lamang ng ilang araw.

"Parang wala pong business na mag ge-generate ng ganung kalaki," sabi niya.

Para naman kay Norman, naghahanda na silang magkaso sa taong pinagpasukan nila ng pera. Naghihintay lamang sila ng iba pang investors para makapagsampa ng syndicated estafa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.