Angal ng naaresto sa bitcoin scam: Abduction iyon, hindi huli

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2018 10:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginigiit ng umano'y bitcoin scam mastermind na si Arnel Ordonio na hindi entrapment operation ang ginawa sa kaniya kung hindi abduction o pandurukot.

Kuwento niya, umaga ng Abril 3 nang paligiran siya, kaniyang asawa, at tatlo pang mga kasama ng mga armadong lalaki sa isang hotel sa Vigan, Ilocos Sur. 

Nakatakas umano ang tatlo nilang kasama matapos marinig na papatayin sila. 

"May susunugin daw tapos itatapon. Bubutasin 'yung gulong tapos iiwan, mga ganung [pananakot]," kuwento ni Ordonio habang nasa selda. 

Dagdag pa ni Ordonio, nakasibilyan ang mga lalaki at hindi nagpakilalang pulis. Kinuha daw maging ang kanilang cellphone, wallet, laptop, at P30,000 cash.

Kinahapunan, dinala silang mag-asawa sa isang rice mill sa Cabanatuan ng isa pang investor. 

Pinilit daw siyang pumirma sa dokumentong nagsasabing kusa siyang sumama sa grupo at sa isa pang dokumento na nagsasabing nakatanggap siya ng P40 milyon.

Mula sa rice mill, pinatulog daw siya sa isang hotel hanggang dinala sa bahay ng isa niyang investor sa sumunod na araw. 

Doon, pinilit din umano siyang pumirma ng mga deed of sale ng dalawang property, pati na rin ng kaniyang mga luxury cars tulad ng Ferrari at Lamborghini.

Nangako rin daw ang mga lalaki na hindi na siya isusuplong kapag pinirmahan ang mga ipinresenta sa kaniyang dokumento. 

Pero Abril 4 ng hapon, o matapos ang isang araw, tsaka pa lamang siya dinala sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) headquarters. 

'Nagsabwatan'

Masama ang loob ni Ordonio lalo't ang isa sa mga investor na nagpahuli sa kaniya ay sarili niyang ama-amahan.

"Kasi po amain ko pa po iyon eh tapos ninong ko pa po sa kasal. Kamag-anak po siya ng tatay ko so nagulat po ako," aniya. 

Giit niya, nagsabwatan ang ilan sa kaniyang mga investor at mga pulis para masamsam ang kaniyang ari-arian.

Unang ibinunyag ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na may ilang pulis na tumatayong security ni Ordonio at kinuwestiyon rin nila ang ginawang paghuli sa kaniya.

Pinag-aaralan na rin ngayon ng abogado ni Ordonio na kasuhan ang mga umano'y "dumukot" sa kaniya.

Hanggang Biyernes, patuloy ang pagdating ng mga demand letter at biktima ng scam sa pulisya. 

Nasa 62 na ang nagreklamo at nasa P1.6 bilyon na ang tantiyang natangay na pera sa scam. 

Pero pinaninindgan ni Ordonio na investment sa bitcoin ang kaniyang ginawa at hindi pyramiding scam. Kaya rin daw niyang ibalik ang pera ng mga investor.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang CIDG dahil na-file na raw nila ang reklamo sa Department of Justice (DOJ).

Pero ayon sa kanilang report, Abril 4 ng gabi inaresto si Ordonio sa Vigan at walang nabanggit na dinala siya sa Cabanatuan bago dinala sa Camp Crame. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.