PatrolPH

'Serial killer' sa Tondo? 'Fake news' sabi ng alkalde

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2023 08:43 PM | Updated as of Apr 12 2023 11:01 PM

MAYNILA — (Updated) Nilinaw ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Miyerkoles na walang katotohanan ang kumakalat sa social media na may gumagalang serial killer umano sa mga barangay sa Balut, Tondo.

Sa press conference na ipinatawag ng alkalde, nilinaw nito na "fake news" ang mga lumalabas sa Facebook na may mga serye ng pagpatay sa ilang barangay sa Tondo.

May larawan pa na kumalat sa social media ng sinasabing serial killer na may pangalang "Joel Blandy."

Kanina, personal na iprinisenta ni Lacuna ang isang lalaking may alyas na "Joel Blandy" at pinabulaanan nito na siya ay isang serial killer.

"Fake news po 'yun. Hindi po totoo ang kumakalat na siya ang ugat ng pagpatay at pamamaril sa Balut, Tondo. Hindi po si Joel Blandy 'yun," ani Lacuna.

Giit ni Blandy, mga may galit sa kanya ang may kagagawan nito. "Siguro po 'yung gagawa lang po nito, may galit sa akin," aniya.

Inaalam pa ngayon ng pulisya kung sino ang nagpakalat ng larawan ni Blandy.

Ayon sa PNP, mas nadagdagan pa ang takot ng mga taga Balut, Tondo dahil sa dalawang magkasunod na insidente ng pamamaril sa lugar.

Una noong Abril 9 kung saan isang lalaki ang pinagbabaril at napatay sa Barangay 138. Nasundan pa ito noong Abril 10 kung saan isa ring lalaki ang nabaril at napatay sa Barangay 141.

Nitong araw nahuli na ang isa sa may kagagawan sa pamamaril.

Ayon sa kay Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., station commander ng Raxabago Police Station, away ng dalawang gang dahil sa droga ang dahilan ng pamamaril.

Dagdag pa ni Ibay, ang nahuli ay isang 20-anyos na lalaki na binayaran ng P50,000 para patayin ang dalawang biktima. Tukoy na rin umano ang isa pang kasama nito.

Ang mastermind, na siya ring leader ng gang, ay nakakulong sa Bicutan City Jail, ayon sa PNP. 

“According sa interview natin sa kaniya, doon nangagaling ang mga utos at firearms na ginamit niya,” ani Ibay.

Patuloy na pinaghahanap ng PNP ang isa pa sa mga suspek. Siniguro din ng pulisya, kasama ang lokal na pamahalaan ng Maynila na matatapos na ang gulo ng dalawang grupo sa pagkakahuli ng isa pa sa mga suspek.

Ayon pa kay Lacuna, tuloy-tuloy naman ang war on drugs sa Maynila.

KAUGNAY NA BALITA:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.