PatrolPH

PANOORIN: Mga tent ng climbers sa Mt. Apo binaha dahil sa 'Agaton'

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2022 03:44 PM | Updated as of Apr 12 2022 03:52 PM

Binaha ang tent ng mga taong umakyat sa Mount Apo bunsod ng masamang panahong dulot ng Bagyong Agaton. Screenshot mula sa video ni Jan Jan Gunayo
Binaha ang tent ng mga taong umakyat sa Mount Apo bunsod ng masamang panahong dulot ng Bagyong Agaton. Screenshot mula sa video ni Jan Jan Gunayo

Hindi pinalampas ng Bagyong Agaton ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas. 

Nakaranas ng pagbaha sa Mount Apo sa Davao City matapos umapaw ang tubig sa lawa at umabot sa mga tent ng mga climber, base sa video na ibinahagi ng guide na si Jan Jan Gunayo.

Inabutan ng malakas na hangin at ulan si Gunayo at mga kasamang climber habang paakyat ng bundok noong Sabado.

Watch more News on iWantTFC

Ayon kay Gunayo, hindi pangkaraniwang pangyayari ang naabutan nila sa Lake Venado, na malawak na campsite bago makarating sa summit ng bundok.

Nilipad ng malakas na hangin ang bubong ng campsite doon at nasira ang ilang istruktura.

Hindi na tumuloy sa pag-akyat ng peak ng Mount Apo ang grupo nina Gunayo dahil sa malakas na hangin at pag-ulan.

Sa huling ulat nitong umaga ng Martes, namataan ang tropical depression na si Agaton sa Balangiga, Eastern Samar.

Magpapatuloy ang malakas hanggang matinding pag-ulan sa Bicol region at malaking bahagi ng Visayas. Makakaranas din ng ulan ang Quezon province, Mimaropa region at ilang bahagi ng Mindanao.

— May ulat nina Ariel Rojas, ABS-CBN News at Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.