PatrolPH

Libo-libong jeep balik-pasada sa Martes; mas maliit na kita pinangangambahan

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2021 07:43 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nangangamba ang ilang jeepney driver na bumaba ang kanilang kita kapag nadagdagan simula Martes ang mga pumapasada sa Metro Manila, lalo't kakaunti pa rin anila ang mga pasahero.

Simula Martes, madadagdagan nang halos 2,000 traditional at modern jeepneys ang papayagang pumasada sa 62 ruta sa Metro Manila para makatulong sa mga commuter.

Pero ayon sa ilang tsuper na bumibiyahe sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City, naglalaro lang sa P300 ang kita nila kada araw at posibleng lumiit pa ito kapag dumami ang pumapasadang jeep.

"Wala po kaming halos kita. Tama lang po pambili ng bigas saka isang kilong galunggong... kaya po kung dadagdag nang dadagdag pa ang mga jeep, wala na, gutom na talaga," sabi ng tsuper na si Ronnie Magpusao.

"Gagawin kong maaga na lang (ang biyahe)," sabi naman ni Christian Martinez.

Muling namang ipinaalala ng Department of Transportation na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga ruta maliban na lang kung ipinag-utos ng LTFRB sa hinaharap.

Pinaalalahanan din ang mga driver sa pagsunod sa minimum health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

"Gaya noong una nating guidelines, kailangan po talaga 'yong ating basic health protocols sa pasahero po, 'yong no face shield, no face mask, no ride ka pa rin po," paliwanag ni LTFRB board member Zona Tamayo.

"'Yong mga drivers po natin, 'yong pagdi-disinfect ng mga sasakyan, 'yon pong barrier o one-seat apart po ng mga pampublikong sasakyan," dagdag niya.

Papayagan din umano kahit hindi nakapag-download ng Stay Safe app at mano-mano muna ang contact tracing.

Hindi rin umano apektado ang mga pumapasadang jeep ng umiiral na curfew sa ilalim ng modified enhanced community quarantine.

Samantala, sa Abril 15 naman nakatakdang ibalik ang mga biyahe ng nasa 195 ruta ng provincial buses sa Metro Manila pero kailangan muna itong payagan ng nakakasakop na local government unit.

– Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.