PatrolPH

Paglobo ng kaso ng cybersex sa gitna ng lockdown dapat bantayan: Gatchalian

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 03:41 PM

MAYNILA — Nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian na maiging i-monitor ng mga awtoridad ang posibleng paglobo ng mga kaso ng cybersex trafficking sa gitna ng istriktong pagpapatupad ng home quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19.)

Sabi ni Gatchalian, dahil nakakulong ang mga tao sa bahay ay nakatutok ang mga bata online kung saan sila posibleng malantad sa mga mapansamantalang indibidwal.

"Ngayong mas nakatutok sa internet ang mga bata, kailangan nating palakasin ang mga hakbang upang mabigyan sila ng proteksyon at mapanagot ang gumagawa ng krimeng ito," ani Gatchalian.

Hinikayat ng senador na magsanib puwersa ang Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) sa pagprotekta sa mga bata.

"The DOJ Cybercrime Office reported that in 2018, it received 600,000 tips of images and videos of naked, sexualized, and abused Filipino children, an increase of more than 1,000 percent from 45,645 cases in 2017," ani Gatchalian sa kaniyang pahayag.

Tatagal hanggang katapusan ng Abril ang enhanced community quarantine sa Luzon at may mga lalawigan na ring nagpatupad nito sa kanilang mga nasasakupan.

Sa ilalim ng lockdown, makalalabas lang ang residente kung frontliner ito o may mahalagang gagawin tulad ng pagbili ng pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.