PatrolPH

Mga pulis, sundalo magroronda sa palengke para tiyakin ang physical distancing

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 03:37 PM | Updated as of Apr 12 2020 03:55 PM

MAYNILA — Ide-deploy na rin ang mga pulis at sundalo sa mga palengke para tiyaking nasusunod ang physical distancing, isang epektibong hakbang para iwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa press briefing, sinabi ni Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases spokesperson Karlo Nograles na bubuo ng "joint social distancing teams" ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para bantayan ang distansya ng mga tao sa palengke.

"Gagawa po tayo ng joint social distancing teams... na ide-deploy sa public markets... Para sila ang mag-enforce ng strict social distancing measures," ani Nograles.

Bago nito, nasita ang Balintawak Market sa Quezon City dahil sa kawalan ng distancing ng mga mamimili.

"Napagkasunduan na mananatiling bukas ito para sa wholesale operations pero isasara ito sa retail operations. Yung retail operations po, imbes doon sa Balintawak gagawin, itutuloy po ito ng QC fresh market on wheels program," sabi ni Nograles.

Nauna nang pinulong ni QC Mayor Joy Belmonte ang 7 market owner sa Balintawak kung saan nangakong susunod sila sa nais ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
 

—Ulat nina Michael Joe Delizo at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.