PatrolPH

Manila bishop: Huwag pandirihan ang mga may sakit

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 04:33 PM | Updated as of Apr 12 2020 06:44 PM

Manila bishop: Huwag pandirihan ang mga may sakit 1
Pinangunahan ni Bishop Broderick Pabillo, auxiliary bishop at apostolic administrator ng Archdiocese of Manila, ang Easter Sunday Mass sa Manila Cathedral. ABS-CBN News

MAYNILA — Sa harap ng kinakaharap na krisis sa coronavirus disease (COVID-19), hinimok ngayong Linggo ng Pagkabuhay ni Bishop Broderick Pabillo ang publiko na huwag pandirihan ang mga taong may sakit.

"Hindi dapat pandidiri, dapat tulungan natin sila. Sinabi naman ni Hesus, 'I was sick and you take care of me,'" ani Pabillo sa panayam matapos niyang pangunahan ang misa para sa Easter Sunday sa Manila Cathedral.

Watch more News on iWantTFC

"Lalo na itong sickness na nakakahawa pero dapat nagpapakita tayo ng pagmamahal, na handa nating tulungan na kahit ito'y magbigay din sa atin ng sakit, basta lang nag-iingat tayo. So dapat natin tulungan ang nangangailangan, huwag natin sila talikdan," ani Pabillo.

Nanawagan din ang obispo sa pamahalaan na maglabas ng mga tunay na numero ng mga apektado ng COVID-19.

"Talagang kailangang kailangan natin kasi hindi po tayo makakaplano kung hindi natin alam ang tunay na datos," aniya.

Marami man ang nangangamba dahil sa patuloy na banta ng COVID-19, dapat daw palakasin ng mga mananampalataya ang kanilang paniniwala at huwag mawalan ng pag-asa.

"Kailangan natin kumapit sa talagang makakapitan natin at walang iba kundi ang Panginoon," ani Pabillo.

"Sa lahat ng mga may kakayahan, tulungan natin 'yong mga taong nawalan ng pag-asa," dagdag niya.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.