PatrolPH

10 motorista huli sa pangangarera sa QC: MMDA spox

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 04:37 PM

MAYNILA — Sampung motorista ang nahuli ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Quezon City nitong Holy Week dahil sa pangangarera, sabi ng tagapagsalita ng ahensiya.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, may 10 driver silang binigyan ng citation ticket dahil sa car racing sa Commonwealth Avenue at Luzon Avenue mula noong Miyerkoles Santo hanggang Biyernes Santo.

"Hindi po ibig sabihin na maluwag ang kalsada ay magpapasaway na tayo o lalabag sa batas trapiko," ani Pialago.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang MMDA sa Highway Patrol Group ng Philippine National Police para aksiyunan ang mga lumalabag sa enhanced community quarantine na nagkakarerahan sa kalsada.

Iginiit ni Pialago na kahit may lockdown, may mga tauhan pa rin silang nagtatrabaho para bantayan ang batas-trapiko.

Dahil maluwag ang lansangan, marami raw ngayon ang nag-o-overspeed na posibleng humantong sa mga road crash o aksidente.

Isinailalim sa lockdown ang buong Luzon hanggang katapusan ng Abril bilang hakbang kontra pagkalat ng COVID-19.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.