Pintor patay sa buy-bust sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 11:47 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang pintor matapos manlaban umano sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Davao City nitong Huwebes ng hapon.

Patay si Kobe Maglanat, 19, matapos umanong bumunot ng baril nang mapansin na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Nakuha sa kaniya ang 5 sachet ng shabu at pakete ng pinaniniwalaang marijuana.

Narekober naman sa crime scene ang .38 revolver na ginamit umano ni Maglanat para manlaban.

Pero iginiit ng pamilya Maglanat na walang baril at hindi nagdodroga ang kanilang anak.

"Buy-bust...kasinungalingan iyan, ang Sta. Ana di pa dumating ang SOCO, kinuha na nila ang katawan ng anak ko, pinuntahan namin sa SPMC (ospital) di kami agad pinapasok," sabi ni Dante Maglanat.

Plano ng pamilya na magsampa ng reklamo laban sa mga pulis.

Ayon sa pulisya, noong menor de edad pa si Maglanat ay may reklamo na rito dahil nangunguna umano ito sa pagra-riot sa kanilang lugar.

Nang nasa legal na edad na, ito naman ay nasangkot na rin sa pagbebenta ng ilegal na droga.

"Sigurado na mawawala na ang mga riot diyan dahil isa siya sa mga nangunguna sa lugar, at ang mga residente dyan,sya talaga ang inireklamo," sabi ni Police Major Michael Uyanguren.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.