Pagkumpuni sa gumuhong kalsada ng NS Amoranto sa QC, sinimulan na

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 10:31 AM

MAYNILA - Makalipas ang halos 4 na buwang paghihintay, naumpisahan na ngayon ng Quezon City District Engineering Office ang pagpapakumpuni sa gumuhong kalsada sa kanto ng Amoranto Street at Banawe Street.

Magugunitang Nobyembre 24, 2018 nang gumuho ang bahagi ng kalsada matapos na lumubog ang isang 22-wheeler truck.

May nakapwesto na ngayong mga backhoe at iba pang construction equipment at nagtayo na rin ng barracks para sa tauhan na nakatakdang gumawa sa kalsada.

Ayon kay Chito Cabungcal ng District Engineering Quezon City, Pebrero pa dapat naumpisahan ang proyekto pero nagkaroon ng problema sa bidding process.

Paalala naman sa mga motoristang dadaan sa naturang lugar na nakabarikada ang bahagi ng Amoranto sa may stoplight ng Banawe at hindi madaraanan ang maliit na parte ng kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.